
Nanindigan ang Malacañang na mananatiling tapat at transparent ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa paglalahad ng mga impormasyon hinggil sa mga usaping pambansa.
Sa isang pahayag, binigyang-diin ni Palace Press Officer Claire Castro na nakatutok ang Palasyo sa paglalabas ng malinis at wastong ulat sa publiko. “Ito ay para sa katotohanan at hindi ipagkakait ng ating Pangulo ang katotohanan sa ating mga kababayan,” pahayag ni Castro sa gitna ng mga patuloy na usapin at pagsusuri sa mga polisiya at hakbangin ng pamahalaan.
Ayon sa opisyal, mahalaga para sa kasalukuyang administrasyon na mapanatili ang tiwala ng mamamayan sa pamamagitan ng bukas na komunikasyon. Iginiit ng Palasyo na ang bawat ulat, datos, at desisyon ng Pangulo ay nakabatay sa kung ano ang totoong nararanasan at kinakailangan ng bansa.
Ang pahayag na ito ay kasunod ng mga panawagan mula sa iba’t ibang sektor, kabilang ang media at mga grupo sa lipunan, para sa mas mataas na antas ng accountability at transparency sa mga transaksyon at programa ng gobyerno.
Tiniyak ng Malacañang na patuloy nitong haharapin ang mga kritisismo at katanungan ng publiko nang may katapatan, upang matiyak na ang bawat mamamayang Pilipino ay nananatiling aligned at nakatatanggap ng tamang impormasyon mula sa pamahalaan.


Leave a Reply