
Nanawagan at naghatid ng hamon si Senador Alan Peter Cayetano kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kaniyang isinagawang “counter-SONA,” kung saan hinimok niya ang Punong Ehekutibo na isalin sa konkretong aksyon at tunay na reporma ang mga matatamis na pahayag na bitbit nito sa kaniyang State of the Nation Address (SONA).
Sa kaniyang pahayag, binigyang-diin ni Cayetano na hindi sapat ang magagandang estatisdata at malalaking pangako sa entablado kung hindi ito mararamdaman ng karaniwang mamamayan sa kanilang pang-araw-araw na pamumuhay. Kasabay nito, pinalutang ng senador ang panawagan na dapat ipakita ng Pangulo na siya ay lider ng buong bansa—hindi lamang ng kaniyang mga kaalyado sa politika—sa pamamagitan ng pagiging “pangulo rin ng oposisyon.”
Ayon sa mambabatas, ang isang tunay na nagkakaisang bansa ay nangangailangan ng lider na handang makinig sa kritisismo, kumuha ng magagandang ideya mula sa kabilang panig ng pulitika, at tiyakin na ang tulong ng pamahalaan ay nakakarating sa lahat nang walang pinipiling kulay o pangkatin.
Kabilang sa mga puntong inihain sa counter-SONA ang patuloy na mataas na presyo ng bilihin, ang mga suliranin sa tunay na pagpapatupad ng ayuda sa mahihirap, at ang kakulangan ng mas mabilis na solusyon sa mga batayang serbisyo tulad ng edukasyon, kuryente, at trabaho. Giit ni Cayetano, ang pagsusuri sa pagkukulang ng administrasyon ay hindi pagkontra sa bayan kundi tulong upang maging mas epektibo ang pamamahala.
Dahil dito, nagkaisang nagpahayag ang ilang mambabatas na kanilang mahigpit na babantayan ang mga susunod na hakbang ng Palasyo at ng mga ahensya ng gobyerno. Panawagan ng Lehislatura, dapat tiyakin ng administrasyon na ang bawat linyang binitawan sa SONA ay magkakaroon ng katumbas na badyet, malinis na pagpapatupad, at ramdam na ginhawa para sa bawat pamilyang Pilipino.


Leave a Reply