
Kasalukuyan nang isinasailalim sa masusing beripikasyon ng kampo ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang mga impormasyong nag-uugnay kay Senador Rodante Marcoleta sa diumano’y pagtanggap ng higit sa ₱75 milyong pondo. Ayon kay Lacson, layunin ng hakbang na ito na busisiin kung may naganap na iregularidad sa mga nakaraang transaksyon ng mambabatas.
Sa isang eksklusibong panayam sa “Storycon” ng One News, ibinunyag ni Lacson na partikular na sinisiyasat ng mga investigator ang mga infrastructure projects na ikinakabit sa pangalan ni Marcoleta noong ito ay kinatawan pa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Kabilang sa mga tinitingnan ay ang tinatayang ₱500 milyong halaga ng mga tinatawag na “allocables” o pondo para sa mga proyekto.
Inihayag ni Lacson na mayroon nang natukoy na ilang partikular na proyekto ang mga imbestigador na nakatakdang suriin nang husto. Ang validation process na ito ay ginagawa upang malaman kung alin sa mga infrastructure projects ang may mga kaduda-dudang dokumento o posibleng naging mitsa ng korapsyon.
Kasabay nito, lumutang din sa imbestigasyon ang mga alegasyon na ang mga naturang alokasyon ay may kinalaman diumano sa naging appointment ni dating Public Works at Highways Secretary Manuel Bonoan sa Gabinete noong taong 2022. Gayunpaman, nilinaw ni Lacson na ang mga koneksyong ito ay nananatiling bahagi ng mga teoryang sinusuri ng kaniyang pangkat.
Sa kabila ng mga mabibigat na anggulong ito, binigyang-diin ng mambabatas na ang buong proseso ay itinuturing pa ring isang “work in progress.” Dagdag pa niya, wala pang pinal na konklusyon o pormal na natuklasan ang komite kaya’t hindi pa maaaring ituring na guilty ang sinumang nasasangkot sa isyu.
Matatandaan na bago ang pag-aming ito ni Lacson, una nang nagpahayag ang Opisina ng Ombudsman na magsasampa sila ng kasong plunder laban kay Marcoleta. Ang naturang hakbang ng Ombudsman ay nag-ugat naman sa magkakahiwalay na reklamo hinggil sa ₱75 milyong halaga ng campaign donations na natanggap umano nito noong nagdaang Mayo 2025 elections.

