Opening the Files That Matter

honest

unfiltered

LOCAL CASE NG MPOX, KUMFIRMADO SA MANDALUYONG CITY.

MANDALUYONG CITY- Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City ang pagkaitala ng isang bagong lokal na kaso ng mpox sa loob ng kanilang nasasakupan. Dahil dito, agad na pinakilos…

MANDALUYONG CITY- Kinumpirma ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong City ang pagkaitala ng isang bagong lokal na kaso ng mpox sa loob ng kanilang nasasakupan. Dahil dito, agad na pinakilos ng lungsod ang kanilang mga health authorities upang ipatupad ang mga kaukulang disease surveillance at response measures para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Sa isang pampublikong advisory, inihayag ng City Epidemiology and Surveillance Unit (CESU) na nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal at rehiyonal na tanggapan ng kalusugan. Layunin ng hakbang na ito na maisagawa ang agarang case investigation, contact tracing, at risk assessment sa komunidad.

Kasalukuyan ding sumasailalim sa mahigpit na monitoring ang mga indibidwal na natukoy na nagkaroon ng malapitang pakikipag-ugnayan o close contact sa pasyente. Tiniyak ng pamahalaang lungsod na aktibo nilang pinamamahalaan ang sitwasyon upang hindi na ito magdulot pa ng malawakang pangamba sa publiko.

Nanawagan naman ang Mandaluyong LGU sa mga residente na huwag magpadala sa panic at umasa lamang sa mga opisyal na ulat mula sa gobyerno. Kasabay nito, mariing pakiusap ng mga otoridad na irespeto ang privacy at pagkakakilanlan ng pasyenteng kasalukuyang nagpapagaling.

Bago ang opisyal na kumpirmasyon ng LGU, naging viral muna sa social media ang isang memorandum na nagmula umano sa pamunuan ng isang hindi pinangalanang kondominium sa lungsod. Ang nasabing dokumento ang nag-ulat sa mga residente ng gusali tungkol sa pagkakaroon ng kumpirmadong kaso ng mpox sa kanilang pasilidad.

Ang mpox ay isang nakakahawang viral disease na madaling kumalat sa pamamagitan ng malapitang pakikipag-ugnayan sa isang infected na tao, o kaya’y sa mga kontaminadong bagay at ibabaw. Ang mga karaniwang sintomas nito ay kinabibilangan ng lagnat, panginginig, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, panghihina, at mga skin rash na umaabot ng ilang linggo bago tuluyang gumaling.