
Inihayag ng Office of the Ombudsman na gagamitin nilang mitsa at pangunahing ebidensya ang testimonya ng walong dating bodyguard ni Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co sa isinasagawang imbestigasyon at inihahandang reklamo laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, sumailalim na sa masusing pagsusuri ng kanilang mga investigators ang mga paunang pahayag ng walong indibidwal. Lumalabas sa imbestigasyon na ang mga salaysay ng mga dating bodyguard hinggil sa mga naganap na umano’y “cash deliveries” o hatiran ng milyong-milyong piso kay Romualdez ay tugma at direkta.
“Nakita ng aming mga imbestigador na ang mga account at testimonya ng mga dating bodyguard ng mambabatas ukol sa sinasabing cash deliveries kay Romualdez ay consistent at categorical,” pahayag ni Clavano upang patunayan ang bigat ng hawak nilang mga bagong impormasyon.
Sa kabila nito, binigyang-diin ng Assistant Ombudsman na may legal na proseso pa silang kailangang kumpletuhin bago tuluyang maihain ang kaso. Kasalukuyan pang hinhintay ng anti-graft court ang pormal na pagpirma ng walong saksi sa kanilang mga opisyal na sinumpaang salaysay o affidavits.
Inihayag ni Clavano na kinakailangan ding lagdaan ng kani-kanilang legal counsel na si Atty. Levito Baligod ang mga dokumento. Ang pagpirma sa mga affidavits ay isang mandatoryong rekisito sa ilalim ng batas upang magkaroon ng legal na bisa ang kanilang mga kuwento at magamit ang mga ito sa korte.
Patuloy namang nakabantay ang publiko sa magiging tugon ng kampo ng dating Speaker ukol sa mabigat na alegasyong ito ng mga dating tauhan ni Rep. Co. Mag-log on sa aming opisyal na website upang basahin ang buong detalye ng imbestigasyon at para sa mga susunod na legal na hakbang ng Office of the Ombudsman.

